Within me... Screaming. asking to be released; to flow freely. Life. Fire. Red. My quick-drying blood seeking contact with parchment that will never dissolve...

Sunday, May 15, 2005

biyahe

kanina pa akong alas nuebe y kinse nandito sa Kamias terminal ng Victory, isang oras bago ang aking biyahe. Bumaba ako sa taxi pagkatapos akong iabot sa tsuper ang isandaang piso. Ang mahal na talaga ng pamasahe ngayon. Isinabit ko ang backpack ko sa aking mga balikat, binitbit ang isa pang bag at nagtungo sa hintayan kung saan may TV at may mga upuan.
Andaming tao! Sabagay, malapit nang matapos ang bakasyon at marami na ring nag-uuwian. May mga mangilan-ngilan ding tila first time pa lang magpunta sa Cagayan Valley. Pagkatapos ng ilang buwan, makakauwi na rin ako sa wakas. Lalayo muna sa kaiingles sa call center at muli ay makikipag-usap sa mga kakilala, kaibigan at kamag-anak sa aking katutubong wika: Ilocano. Nakatutuwang isipin na minsan, marami nang mga salitang Ilocano na 'di ko maintindihan. Ewan ko nga ba... siguro dahil na rin sa pagtira ko sa Manila ng mahigit apat na taon simula nung pumasok ako sa kolehiyo. Kahit na, gusto ko pa ring isang manunulat na Ilocano. Marami nga lang akong dapat saliksiking mga salita.
Pang-ilang biyahe ko na ba to?
Ewan... di ko na mabilang. Pati nga ang pagtaas ng pamasahe, di ko na rin kayang bilangin. Ngayon P521.00 na ang pamasahe pauwi sa bayan namin. samantalang nung first year ako sa UP, P290 lang. Ambilis talaga ng panahon.
Ang buhay isa rin daw biyahe, yun nga lang, di mo na kelangang bumili ng ticket para makasakay. At ang biyahe ng buhay walang karatula na magsasabi kung saan ito patungo: walang naiilawang sign board na ang nakalagay ay "Tuguegarao" o kaya ay "Roxas." Buti kapag pauwi ka lang sa probinsiya, alam mo ang daan, o at least, tiwala ka sa driver na dadalhin ka sa probinsiya mo: kagaya nito, sa Isabela ang uwi ko. Bukas ng umaga, mga alas otso, alam kong darating ako sa aming bahay. O kaya kung patungo ka naman sa Maynila mula sa probinsiya, alam mo na bababa ka sa Cubao o kaya sa Quezon Avenue at magtataxi nalang patungo sa mismong pintuan ng apartment o boarding house mo. Alam mo pa mga kantong dadaanan mo. Eh sa buhay, andaming kalye, andaming daan, walang iisang highway--napakarami. At kung saan ka tutungo, bahala ka! Bawat pagpapasya sa bawat araw ay isang pag-usad sa inaasam na patutunguhan. Yun nga lamang, kung nais mong manatili na rin sa kung nasaan ka na, nasasayo pa rin ang pagpapasya. Kung may signboard lang sana ang buhay, o kaya may drayber na mapagkakatiwalaan.
Ako ang drayber... ngunit saan ako patungo?

Ewan, basta ngayong gabi, nasa bus ako ng Victory at paggising ko bukas ng umaga, alam kong nandoon na ako sa aming probinsiya.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home